Nagsimula ito bilang karaniwang security check sa pasukan ng Malha Mall sa Jerusalem. Magkasamang dumating ang isang lalaki at babae, at ang babae ay may hawak na Palestinian ID na walang permit para pumasok sa Israel. Kalma ang sagot ng driver: “Anak ko siya, at ako ay Shin Bet, kasama namin siya.” Ilang minuto lang – inaresto silang dalawa at naging kasong kriminal ang insidente.
Illegal entry sa Jerusalem at pagpo-pose bilang security officer
Ayon sa Jerusalem District Police, napansin ng mall security ang berdeng Palestinian ID sa routine check ilang araw na ang nakalipas. Nang tanungin, iginiit ng driver na nagtrabaho siya sa Shin Bet at inulit pa ang pahayag nang dumating ang isa pang guwardiya para mag-verify ng kanyang pagkakakilanlan.
Dinala ng mga pulis mula sa Moriah station ang dalawa para imbestigahan. Ayon sa imbestigasyon, ang driver na nasa kanyang 50s at taga Tel Aviv-Jaffa, ay bumiyahe papuntang Bir Zeit malapit sa Ramallah, inihatid ang babae, at pumasok sa Jerusalem nang walang legal na permit. Nadiskubre rin na paso ang kanyang lisensya mula pa noong 2010 at walang insurance ang sasakyan.
Matapos makalikom ng sapat na ebidensya, nagsampa ang Jerusalem District Prosecution Unit ng kaso laban sa driver dahil sa transporting an illegal resident, pagpo-pose bilang public official, pag-harang sa public servant, pag-mamaneho nang walang lisensya at walang insurance. Naghain din sila ng mosyon para manatili siya sa kustodiya hanggang matapos ang mga legal na proseso.
Sinabi ng Jerusalem District Police na ang ganitong insidente ay hindi lang kriminal kundi usaping pang-seguridad. “Ang pagiging alerto ng mga guwardiya at maingat na inspeksyon ang pumigil sa illegal entry at nagdala sa legal na aksyon,” ayon sa pahayag. “Magpapatuloy kaming kumilos nang mariin laban sa mga illegal infiltrators at sa tumutulong sa kanila.”


